Katipunan
Article Title
Ang Parusa at Gantimpala Ayon sa Inogtula’neng Tibor
Abstract
Ang kuwentong-bayan ay maaaring pagsusumbong, pagsasalaysay, o pagkukuwento ng isang pangyayari, kaalaman, o minsan ay karanasan. Kadalasang ang mga karanasan ay nasaksihan na ng kapwa katutubo, ngunit patuloy pa rin itong ikinukuwento sa kapwa katutubo. Kadalasang nagsisilbi itong pamunat sa nakauumay na pag-uulit sa pang-arawaraw na mga gawain, o ‘di kaya ay libangan lamang. Sa mga Tagbanuang Tandula’nen, hindi lamang sinasaklaw ng kanilang inogtula’nen o kuwentong-bayan ang mga nabanggit na kahulugan, lumalagpas pa ito sa inilahad na tungkulin ng oral na tradisyon. Sa papel na ito, makikita ang kakaibang tungkulin ng inogtula’nen na humuhulagpos sa tradisyonal na pag-uulit ng kuwento bilang tradisyon. Binabago, ngunit idinodokumento ng inogtula’neng Tagbanua ang sarili nitong kuwento gamit ang tibor. Mula rito, ginugunita niya ang kaniyang karanasan bilang inogtula’nen ng nakaraan, kasabay ng pagbabalik nito sa kaniyang tungkuling panlipunan sa kasalukuyan. Ang mga tungkuling ito ay maaaring ekonomiko o tungkuling mahikal na tinukoy bilang parusa at gantimpala. Gamit ang mga parusa at ganimpalang ito, kumikilos ang mga Tagbanuang Tandula’nen upang isakatuparan ang mga tungkuling itinakda ng tibor sa kanilang lipunan. Ang sino mang hindi sumunod ay parurusahan, at tatanggap naman ng gantimpala ang sino mang tumatalima nang may paggalang—noon, ayon sa mga kuwentong-bayang tibor ng mga Tagbanuang Tandula’nen.
