Walang Himala?: Pagsusuri sa mga Tala ni Pedro Chirino, SJ Tungkol sa mga Himalang Dulot ng Pagbibinyag Noong Ika-16 Hanggang Ika-17 Siglo sa Pilipinas
Document Type
Article
Publication Date
7-31-2021
Abstract
Sa akdang Relación de las Islas Filipinas, isinalaysay ni Pedro Chirino, SJ ang mga milagrosong pagbibinyag na nakapagpagaling ng mga karamdaman (“medicinal baptism”) ng mga katutubo sa pamamagitan ng hiwaga ng agua bendita. Sinusuri sa sanaysay na ito ang wika ng mga himala na ginamit ni Chirino sa kaniyang mga salaysay. Inilalahad sa sanaysay ang ilang posibleng sanhi ng paggaling ng mga karamdamang binigyang-lunas ng mga misyonerong Heswita, bukod sa tinukoy nilang kapangyarihan ng Diyos at hiwaga ng tubig. Iminumungkahi ng pag-aaral na ang integrasyon ng mga elemento ng dayuhan at katutubong pananampalataya ang nagpatibay ng paniniwala ng mga katutubo na ang kanilang mga sakit ay mabibigyang-lunas o ang kanilang resistensiya ay mapalalakas laban sa mga epidemya at malubhang sakit. Isinisiwalat din sa sanaysay ang kaalaman ng mga misyonero hinggil sa mga halamang-gamot at mga paraan ng paghahanda ng mga ito upang maging gamot para sa mga sakit ng mga katutubo. Tinatalakay rin sa sanaysay ang posibleng kaugnayan ng lubos na pagbibigay-diin ni Chirino sa mga himalang dulot ng pagbibinyag sa apela noon ng mga Heswita sa Pilipinas na itatag at kilalanin na ang bise-probinsiya ng Pilipinas (“Philippine vice-province”) bilang isang hiwalay na probinsiya ng Kapisanan ni Hesus (“full-fledged province of the Society of Jesus”) upang magkaroon sila ng higit na awtonomiya at kapangyarihan sa pangangasiwa ng kanilang mga lugar ng misyon sa Pilipinas.
Recommended Citation
Oris, G. C. (2021). Walang himala? : Pagsusuri sa mga tala ni Pedro Chirino, SJ tungkol sa mga himalang dulot ng pagbibinyag noong ika-16 hanggang ika-17 siglo sa Pilipinas. Katipunan: Journal Ng Mga Pag‑aaral Sa Wika, Panitikan, Sining at Kulturang Filipino, 0(7), 126–142. https://doi.org/10.13185/KA2021.00712