Document Type
Book
Publication Date
2020
Abstract
Isa sa mga pagpapakita ng kultural na karalitaan ng isang bayan ang kakulangan; kung hindi man ay kawalan; ng pakikibahagi ng epikong bayan sa popular na imahinasyon. Ngunit higit pa sa paghugot ng materyal na kultura sa kaban ng panitikang bayan na may panganib na mauwi sa exotisismo at kapitalistang pag-aangkop; nandoon ang etikong responsabilidad ng mga alagad ng sining na makipagtalaban sa kamalayang katutubo. Mula sa ganitong mataimtim na pakikipag-ugnayan; maaaring makatagpo ng mga prinsipyong gagabay sa malikhaing produksiyon na lilikha ng higit na angkop na mga hakbang sa pagpasok ng epikong bayan sa popular na imahinasyon. Iaangat ng papel ang batayang prinsipyo ng pag-uulit; na maoobserbahan sa epikong bayan; upang gawing gabay sa malikhaing produksiyon ng pelikula. Ipapakita kung papaano maaaring iangat ang pag-uulit mula sa pagiging mnemonic device at pagiging tayutay sa loob ng pabigkas na tradisyon patungo sa pagpapahalaga sa mga katangian ng pagsususon-suson; pananalamin at pagkukuwadro sa paglikha ng biswal na naratibo sa pelikula na higit na sikliko kaysa linyal. Gagamiting halimbawa ng papel ang mga pelikulang Ang Sayaw ng Dalawang Kaliwang Paa (2011); Debosyon (2013); at An Kubo sa Kawayanan (2016) upang ipakita ang ganitong mga pagtatangka ng manunulat at direktor ng pelikula.
Recommended Citation
Yapan, A. B. (2020). Ang bisa ng pag-uulit sa biswal na naratibo. In Mga Pag-aaral sa Epikong-bayan ng Filipinas: Tradisyon Lipunan Inobasyon (pp. 258–263). National Commission for Culture and the Arts.