Isang Pagsusuri sa Resepsyon ng mga Mag-Aaral ng Ateneo Junior High School sa Pagtuturo ng mga Nagpapamalay na Panitikan sa Filipino 9 Gamit ang Kritikal na Pedagohiya
Date of Award
12-2021
Document Type
Thesis
Degree Name
Master of Arts in Literature ( Filipino) Thesis Option
First Advisor
Corazon L. Santos, PhD
Abstract
Ang tesis ay isang pagsusuri sa resepsyon ng mga mag-aaral sa pag-aaral ng mga akdang nagpapamalay tungo sa pagsusulong ng isang mas maayos at makatarungang lipunan na gumagamit ng Mixed Method Research. Layunin ng pananaliksik na masuri ang resepsyon ng mga mag-aaral sa kanilang pag-aaral ng mga akdang nagpapamalay tungo sa pagsusulong ng isang mas maayos at makatarungang lipunan. Ito ay nakabatay sa Kritikal na Pedagohiya ni Freire na nagsusulong sa edukasyon bilang mapagpalayang salik sa lipunan.
Ang kantatibong datos ay kinalap sa pamamagitan ng online survey sa 97 na mag-aaral habang ang kalitatibong datos ay kinuha sa pamamagitan ng pakikipanayan sa 10 mga mag-aaral. Ang mga kalahok sa pag-aaral ay mga mag- aaral sa Ikasiyam na Baitang ng Taong Pampaaralang 2019-2020 na binigyan ngpahintulot ng kanilang mga magulang, at kasabay nito ay nagpahayag din ng kanilang pagpayag sa pakikilahok sa pag-aaral.
Ang kantatibong mga datos ay sinuri sa pamamagitan ng Spearman’s Rank Order Correlation sa SPSS para makita kung may ugnayan nga ba ang antas ng kaalaman na natutuhan ng mga mag-aaral hinggil sa iba’t ibang isyung panlipunan sa sidhi ng pagnanais nila para sa pagbabagong panlipunan. Mula sa mga nakuhang datos, lumabas ang Correlation Coefficient na 0.524 para sa “Akda at Damdamin”, 0.383 para sa “Paraan ng Pagtuturo at Damdamin”, at 0.562 sa “Mga Kaugnay na Gawain at Damdamin” na nagsasaad na may positibong ugnayan sa isa’t isa ang mga pinag-aralang baryabol bagamat naglalaro lamang ito sa mahina (weak) hanggang katamtaman (moderate) lamang. Nangangahulugan ito na habang dumadarami ang kaalamang natututuhan ng mga mag-aaral tungkol sa mga isyung panlipunan na tinatalakay sa klase sa pamamagitan ng mga akdang nagpapamalay, ay tumitindi rin ang sidhi ng pagnanais nila na makapagsulong ng mas makatarungang lipunan. Lumitaw rin mula sa p value na p< .001 na ang resulta ay statistically significant sa populasyon.
Ang pagsusuri sa mga datos na nakuha mula sa kantatibong bahagi ay pinalalim sa pamamagitan ng pag-aanalisa sa sagot ng mga kinapanayam na mga mag-aaral. Mula sa sagot ng mga mag-aaral, nalaman na ang mga akdang nagpapamalay na ipinabasa sa kanila sa klase, ang pamamaraan sa pagtalakay na ginagamit ng mga guro (partikular ang lektura), at maging ang mga gawaing paSulat at paBigkas ay nakatutulong sa paglago ng kanilang kaalaman hinggil sa iba’t ibang isyung panlipunan at gayundin sa hangarin nilang magkaroon ng mas maayos na lipunan. Ngunit, lumitaw mula sa panayam na bagamat maraming mag-aaral ang sumisidhi ang pagnanais na makatulong sa bansa matapos ang pag-aaral ng mga panitikang nagpapamalay, mayroon ding mga mag-aaral na nanatili lamang sa antas kognitibo ang pagpapahalaga sa mga isyung panlipunan na natutuhan. Gayundin, nalaman na maliban sa mga baryabol na pinag-aralan, marami pang ibang salik ang nakaaapekto sa resepsyon ng mga mag-aaral sa mga panitikang nagpapamalay partikular ang 1. Hirap/Dali ng mga ipinababasang akda, 2. Kakayahan ng guro at ang personal nitong pagpapahalaga sa mga isyung tinatalakay sa klase, 3. Paggamit ng iba’t ibang pamamaraan sa pagtalakay ng mga akda, 4. Pakikipag- ugnayan/Personal na koneksyon ng guro sa mga mag-aaral 5. Pagsasakonteksto ng mga aralin upang maging makabuluhan sa mga mag-aaral, at 6. Pagkakadisenyo at anyo ng mga gawain sa klase.
Batay rin sa resulta ng pag-aaral, lumalabas na bagamat nagpapamalay ang mga akda at isyung pinag-uusapan sa klase ng Filipino, kapos ang pagpaplano ng mga aralin upang makapagsagawa ng diyalogo sa silid-aralan kung kaya’t mas tinatangkilik pa rin ng mga mag-aaral ang pagbabangkong sistema ng pagtuturo sa klase.
Recommended Citation
Maria Cristina, Brandares O., (2021). Isang Pagsusuri sa Resepsyon ng mga Mag-Aaral ng Ateneo Junior High School sa Pagtuturo ng mga Nagpapamalay na Panitikan sa Filipino 9 Gamit ang Kritikal na Pedagohiya. Archīum.ATENEO.
https://archium.ateneo.edu/theses-dissertations/704
