Abstract
Panukala ng papel na ito ang paggamit ng “ilustraxon” upang mailarawan ang operasyon ng pagbibigay kahulugan sa “komix.” Sa paghalaw ng “x” sa “image x text” ni WJT Mitchell (2012) at sa pagbubuo ng bagong termino, sinikap na bigyang-linaw kung paano nagiging sublasyon ang ilustraxong tinatawag na komix na sintesis ng “ilustracion” at “ilustrasyon.” Gamit ang semyotika, binigyang-pagbasa sa papel na ito ang dalawang komix na literal na naglarawan sa pag-uusap ni Padre Damaso at Maria Clara sa dulo ng Noli Me Tangere (1887) ni Jose Rizal: tatlong pahina ng Nakalarawang Noli Me Tangere (1956) na isinaayos nina Clodualdo del Mundo at Pedrito Reyes at isinalarawan ni Ric Collado, at tatlong panel ng piraso (strip) na “Clara, Join the Dark Side of the Force” (2014) ni Emiliana Kampilan, na ihinambing at ipinasailalim sa semyotikong lapit ng panunuri, ayon sa apat na antas (planes) ni Alice Guillermo (2001). Mahalaga ang unang akda bilang isa sa mga unang pagsasakomiks ng susing naratibo sa nasyunalismong Pilipino at ang huli bilang makabago at intertextual na apropriasyon ng sulatin ni Rizal. Sa pagwawakas ng papel, pinalawig kung paano nagkakahawig ang ilustraxon at ang dayalohikal na tanda (sign) ni Charles Sanders Peirce—na binubuo ng representamen, interpretant, at semyotikong obheto. Mula rito, may ilang mungkahi o tala hinggil sa salin-suri (translation studies) at komix-suri (comics studies) para sa patuloy na pag-aaral ng adaptasyong komix.
Recommended Citation
Acuña, Arbeen R.
(2018)
"Ilustraxon: Semyotika sa Pahina at sa Piraso ng Komix,"
Kritika Kultura:
No.
30, Article 37.
DOI: https://doi.org/10.13185/1656-152x.1770
Available at:
https://archium.ateneo.edu/kk/vol1/iss30/37