Document Type

Article

Publication Date

12-26-2025

Abstract

Makailang beses lilitaw sa tradisyonal na midya at social media sa nagdaang kalahating dekada ang ilang pagtutol, pagbabawal, at pandidiri sa mga graffiti at nagsusulat ng mga graffiti mula sa parehong mamamayan at maykapangyarihan. Bunsod ng paggamit ng mga militanteng grupo sa graffiti bilang anyong pamprotesta sa Kalakhang Maynila, tatagurian ng nakararami ang gayong mga sulatin bilang bandalismo o paninira lamang sa pampubliko o pribadong pagmamay-ari. Taliwas ito sa balintunang paggamit din ng estado at merkado sa graffiti, o estetika ng graffiti, sa pamamahala ng espasyo o pagbebenta ng produkto. Sa ganang ito, bumabaling ang pag-aaral sa panitikan bilang lunan ng higit na mapagpalaya, sustenado, at mapagliming paghaharaya sa graffiti at mga banyulatin (graffiti/sulatin sa banyo) bilang mahahalagang tekstong panlipunan. Gamit ang matalik na pagbasa sa piling panitikan, lumilitaw na ang mga graffiti ay hindi lamang pawang “paninira,” “anarkiya,” o “dumi”—bagkus ito ay mga tinig ng/na isinasantabi. Ang graffiti sa lahat ng ito ay mga tinig na may kapasidad na makapaglugar ng sarili sa ilalim ng lipunan at likod ng kasaysayan; makapaglabas ng ikinukubling damdamin; maging testamento ng pag-asa at pag-asam ng mga mamamayan, ng pagangkin at regulasyon ng espasyo ng maykapangyarihan, at ng pagpoprotesta at pagrerebolusyon sa pinakamasidhi.

Share

COinS