“Magaling, Datapoua Hindi Tola”: Ang Tula, Isang Katutubo, at Hinggil sa Kathang Tagpo

Document Type

Article

Publication Date

2022

Abstract

Alinsunod sa atas para sa kontemporanyong kritiko na maghaka hinggil sa makasaysayang tagpo sa pagitan ng katutubo at ni prayle Fracisco Blancas de San Jose na nagbunsod sa kilalang katagang “magaling datapoua hindi tola,” nagiging mahalaga lamang ang pangangahas hindi para sa (muling) tuwiran, kung hindi man palasak, na pagbubuo ng isang estetikang “Filipino” na mapaniniwalaang alinsabay na makapagpapaliwanag sa batayan ng katutubong kritiko noon at makapagsisilbing “moog ng kaakuhang Filipino” ngayon; kung hindi sa pagsusuri mismo sa mapagkatha ring pagbanggit sa nasabing tagpo sa larang ng kritisismong pampanitikang Filipino. Sapagkat higit pa sa usapin ng pagiging “unang limbag” na sandali ng kritikang “katutubo” ng tagpong ito, pati na ng implikasyon nitong pagkakaroon din ng muhong “katutubong” pamantayan sa pagtula bago pa man nagsidatingan ang mga mananakop, napapanahong malirip ang potensiya ng mismong panahong sinisikap din kathain sa mga katulad na pagbasa— ang malimit na tinatayang panahong “prekolonyal”—nang lampas pa sa kaabalahan para sa “awtentisidad” at “katotohanan.” Sa ganitong kritikal na pagtuon sa panahong “prekolonyal,” umaasang sa huli ay makapagbubukas ang kumpas na ito ng pagkakataon para malirip din muli ang ilang tila sukat nang pagpapahalaga sa panahong pangkasalukuyan, partikular na sa mga pagtatayang kakawing nitong bagay na tinatawag na tula.

Share

COinS