•  
  •  
 
Kritika Kultura

Abstract

Nagsimula ang Maikling Imbestigasyon ng Isang Mahabang Pangungulila sa isang pagtatakang nanghahamon: pagpapasalita sa isang “basag na salamin sa mata” (9). Susunod rito ang pagbanggit sa Aleph, sa “teolohiya ng Isa at Karamihan,” sa “istruktura ng DNA,” at, bago matapos ang unang pahina, kay Minerva (9). Ang sandamakmak na pagbabanggit na tulad ng mga ito ay hindi maikakailang isa sa mga dahilan kung bakit madalas ilarawan ang nobela bilang “pilosopikal” o “intelektwal.” Sa pagsusog rito, susuriin ng papel ang sala-salabid na kaisipang ipinasok sa akda, kung paano sila nag-uugnay-ugnay, at kung ano ang sinasabi at ginagawa ng mga ito sa tatlong bagay o ideya: (1) ang Aleph bilang kabuuan o lahat-lahat, (2) ang nobela sa tabi ng tradisyong reyalista at genreng science fiction, at (3) ang pagpoposisyon ng may-akda at ng kanyang akda sa masalimuot na larangan ng kasaysayan at lipunan. Ito ang panimulang ideya na susubukin sa papel: Ang naratibo ay background lamang. Tinutuntungan lamang ito upang ibida ang pagmumuni tungkol sa pagkakalugar ng kaisipan, pagkukuwento, at pagsulat sa kasaysayan ng lipunan. Kaugnay nito, ang may-akda ay batbat din ng kontradiksyon at hindi na tulad ng lumang paghaharaya rito bilang makapangyarihang taga-ukit ng buong-buong kuwento. Naging kasangkapan kapwa ang akda at may-akda upang ipakita ang materyalidad ng aklat, na siya namang naglalaman ng teksto ng naratibo, ang produkto ng pagsulat.

Share

COinS